Full width home advertisement

Entertainment

Showbiz

Post Page Advertisement [Top]

News

VIRAL: Aquino Iginiit na walang kasalanan sa pagkamatay ng 44 SAF

VIRAL: Aquino Iginiit na walang kasalanan sa pagkamatay ng 44 SAF

Bilang "Ama ng Bayan," inako ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ang responsibilidad sa pagkakasawi ng 44 na tauhan ng Special Action Force (SAF) sa madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong nakaraang Enero 25.


"Ako ang Ama ng Bayan, at 44 sa aking mga anak ang nasawi. Hindi na sila maibabalik; nangyari ang trahedya sa ilalim ng aking panunungkulan; dadalhin ko po hanggang sa huling mga araw ko ang pangyayaring ito," pahayag ni Aquino sa kaniyang televised national address nitong Biyernes.


"Responsibilidad ko po sila, kasama ang buong puwersa ng SAF sa operasyong ito, pati na ang mga nagligtas sa kanila na nalagay din sa panganib ang buhay." dagdag niya.


Ayon sa pangulo, naging mabigat ang kapalit sa matagumpay na operasyon kung saan napatay ng SAF troopers ang international terrorist na si Zulkfli bin Hir, alyas Marwan. Nakatakas naman ang isa pang target na si Basit Usman.


Sa kaniyang talumpati, tiniyak muli ni Aquino ang tulong na ipagkakaloob sa mga naulilang pamilya ng tinaguriang "Fallen 44."


"Tungkulin kong siguruhing masusuklian nang tama ang sakripisyo ng inyong mga kaanak. Iyon pa rin po ang panata ko sa inyo: Sa nalalabi kong labimpitong buwan sa puwesto, ginagawa ko na at gagawin ko pa ang lahat ng nararapat para tiyaking nasa maayos ang inyong kalagayan," patungkol niya sa mga kaanak ng mga nasawing SAF members.


"Sariling imbestigasyon"


Sa kabila ng binuong Board of Inquiry na nagsisiyasat sa nangyaring engkuwentro sa Mamasapano, sinabi ni Aquino na nagsagawa rin siya ng sariling imbestigasyon sa nangyaring trahediya.


Ayon sa pangulo, nagtanong siya sa mga taong may nalalaman sa nangyaring operasyon, at nakita niya na may tatlong pagkakataon na maaari sanang hindi itinuloy ang misyon ng SAF troopers.


"Nagsagawa ako ng sariling pagsisiyasat at panayam sa mga kasama sa operasyong ito. Malinaw pong lumalabas: Malayo na ang sitwasyong dinatnan ng mga tropa, sa inasahan sa plano," ani Aquino.


"Mulat po dapat dito ang commander ng operasyon, lalo pa’t matagal siyang nakadestino sa Mindanao. Inaasahan sa kanya ang tinatawag na situational awareness. Bilang commander, siya ang nakakaalam ng kabuuang plano, at sa mga panganib na dala nito; siya ang unang nakakaalam kung naipapatupad ito nang tama. Alam niya dapat ang nangyayari sa bawat sandali," patuloy ng pangulo sa kaniyang talumpati.


Ang sinibak sa puwesto na si Director Getulio NapeƱas Jr. ang namumuno sa SAF nang isagawa ang operasyon sa Mamasapano.


"Sa ating pag-aaral sa talagang nangyari, dahil nga malaki na ang ipinagbago ng sitwasyong dinatnan sa inaasahan na plano, may di-bababa sa tatlong pagkakataon kung kailan maaaring in-abort o pinagpaliban ang operasyon, o 'di kaya’y binago nang husto ang plano. Tumindi pa ang pangangailangang gawin iyon, dahil alam niyang walang koordinasyon sa inaasahang ayuda, at manipis, kung mayroon man, ang maitutulong ng Sandatahang Lakas dahil walang sapat na panahon na makapaghanda," paliwanag ni Aquino.


"Bakit nangyaring walang koordinasyon? Bakit itinuloy ang misyon gayong napakalihis na nito sa orihinal na plano, at napakalaking peligro na ang kinakaharap ng ating mga tropa? Iyan po, at marami pang iba, ang mga tanong na bumabagabag sa aking isip. Magkakaroon po ng pagkakataon ang dating SAF commander na ipaliwanag ang mga ito sa kanyang pagharap sa kinauukulan," dagdag pa ng pangulo.


"Sasagasaan namin kayo"


Kasabay ng pagtiyak na huhulihin ang nakatakas na si Usman, sinabi ni Aquino na dapat mabigyan ng hustisya ang mga kasapi ng SAF na sadyang pinatay kahit hindi na makalaban sa mga nakasagupa nitong armadong grupo sa Mamasapano. Kabilang dito ang ilang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front at Bangsamoro Islamic Freedom Fighter.


"Sa mga kasapi at liderato ng MILF: Mula pa noong umpisa, tinuturing ko kayo bilang mga kapatid sa paghahangad ng kapayapaan. At hanggang ngayon, umaasa ako na tutulong kayo na hanapin ang hustisya; kailangang panagutin ang lahat ng may sala, lalo na kung totoong may mga sugatan at hindi makalaban na tuluyan pa ring pinatay," ani Aquino.


Sinabi ng pangulo na magandang unang hakbang ang napabalitang pagkilos ng MILF upang limitahan ang pagkilos ng BIFF.


Iginiit naman ni Aquino na dapat isuko ng MILF si Usman kung nagtatago ito sa loob ng kanilang teritoryo o nasa ilalim ng pangangalaga ng kanilang miyembro


"Inaasahan kong isusuko ninyo siya sa mga awtoridad. Kung hindi, gawin ang lahat upang tumulong sa pagdakip sa kanya. At kung hindi pa rin maaari ito, ay huwag makialam sa aming pag-uusig kay Usman," pahayag pa niya.


Babala at paalala pa ni Aquino: "Huhulihin namin si Usman, anuman ang maging desisyon ninyo, sino man ang kumukupkop sa kanya, at saan man siya nagtatago."


Dagdag pa niya, "Sa mga naliligaw naman ng landas na magtatangka pang humadlang sa pagtugis namin kay Usman, tandaan na ninyo: Estado ang kalaban ninyo, at sasagasaan namin kayo."


Watch the video below!



Comment your thoughts and opinion below!


Source: GMA

No comments:

Post a Comment

Bottom Ad [Post Page]